Tema: Ang aking kabataan (My Childhood)
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Winner
Zheng Shu Yi
Pamagat: “Halakhak ng Kabataan”
Ang pinaka-una kong alaala mula sa aking kabataan ay noong lumuwas kami ng maynila. Noong panahon na yun wala pa sa aking isip kong ano ba talaga ang aming dahilan ng pag-punto roon, marahil dahil na rin siguro sa aking kabataang isip. Nasa bus palang kami ay diko na naiwasang masuka sa loob ng sasakyan ganon na rin ng sumampa na kami ng barko, pero kahit ganon pa man ay naging masaya ako sa isang araw naming byahe. Pagkarating namin sa terminal ng bus ay sinalubong kami ng aking nakaka-tandang kapatid na babae na naroon nag t-trabaho.Tumuloy kami sa kanilang tahanan at doon ko nakilala ang kaniyang asawa at dalawa niyang anak na lalaki.
Lumipas ang tatlong araw ay nagpaalam na ang aking ina na babalik na ng probinsiya na labis kong kinagulat dahil hindi pala ako kasamang babalik. Napag-usapan na pala nila ng aking ate na maiiwan ako upang roon mag-aral. Malungkot man ay may halo ding galak ang aking nararamdaman sapagkat magkakaroon ako ng bagong kaibigan. Naging "Advance Student" ako ng panahong iyon sapagkat diko manlang naranasang tumungtong ng "Kinder or Daycare" bago pa man maging grade 1. Hindi naging madali ang lahat para sakin dahil bukod sa walang gumagabay sakin sa aking pag-aaral ay binabantayan ko pa ang isang taong gulang na anak ng aking nakaka-tandang kapatid.
Lumipas ang mga araw at nagtapos ko na ang ika-unang baitang, lumipat kami ng tahanan sa Antipolo dahil mas malapit na roon ang trabaho ng asawa ng ate ko. Magandang pagkakataon rin iyon sapagkat naroon din nakatira ang isa ko pang nakaka-tandang kapatid. Doon ay nakilala ko ang mag-kapatid na sila kuya Adrian at Bea. Si kuya Adrian ay matanda sakin ng tatlong taon samantalang si Bea naman ay kaedaran ko lamang. Naging mabuti kaming magkaibigan lalo na kaming dalawa ni Bea. Lagi kaming naglalaro ng mga laruang manika at kong ano pa. Madalas din kaming maglaro ng "game boy", minsan naman ay nag bibisiklita sila at ako naman ay ang mag mimistulang sakay nila. Madalas din kaming maligo noon sa "inflatable pool" kasama ng aking pamangkin.
Hindi rin nagtagal ang aking pananatili roon sapagkat kinakailangan ko na ding bumalik sa probinsiya at doon ipagpatuloy ang aking pag-aaral, malungkot man ay wala akong magagawa. Pag-uwi ko ng probinsiya ay medyo nanibago pa ako sa aking kapaligiran pati na rin sa lengwaheng ginagamit nila. Naiintindihan ko naman ang kanila mga sinasabi ngunit nahirapan na akong mag-salita ng kaparehong lengwaheng gamit nila. Sa probinsiya ay ang madalas kong kalaro ay ang aking dalawang kapatid na lalaki at kapatid na babae. Malalayo ang mga kabahayan roon sa bawat isa at at kaunti rin ang kabataan na may malapit na tahanan mula samin. Wala akong matatawag na tunay na kaibigan sa school dahil na din sa mahiyaain ako. Pumapasok kami noon sa elementarya mula ala-sais ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon. Buong araw ang pasok kong kaya't dapat magbabaon ka ng pagkain para sa pananghalian. Ngunit kami ng mga kapatid ko ay bihira lamang magbaon at mas ginugusto pang maglakad ng malayo para umuwi at roon kumain. Masaya iyon sapagkat sabay-sabay kaming kakain ng aming pamilya, pagkatapos naming kumain ay babalik na uli kami sa paaralan. Habang nasa daan ay mag-hahanap pa kami ng mga prutas o di kaya gagamba na ipanglalaban sa gagamba ng kapwa kamag-aaral.
Ganon ang araw-araw na takbo ng buhay ko noon, hanggang dumating ang araw na kinuha naman ako ng aking nakaka-tandang kuya upang roon muna manatili sa kanila. Napag-alaman ko na luluwas pala ito ng maynila at walang maiiwan na kasama ang kaniyang asawa at isang anak sa kanila kaya ako nito kinuha. Nasa malayong distrito ang lugar ng aking kuya at kinakailangan pa naming bumyahe gamit sa bus sa panahong iyon.
(Bagong lugar at bagong paaralan, pang-ilan na ba?..Pangatlo na, wag kayong mag-alala dahil hindi lang tatlong paaralan ang papasokan ko sa anim na taon ko sa elementarya.)
Hindi naman ganon ka-lungkot ang paglipat ko sapagkat nagkaroon ako ng maraming kaibigan. Naging matalino akong mag-aaral at madalas na noong exempted sa ibang pagsusulit. Ngunit di sa lahat ng pagkakataon ay palaging maayos sayo ang pakikitungo ng mga tao. Nabully ako at sinaktan ang kapwa ko mag-aaral noon na lalaki sapagkat di ako pumayag na pakopyahin siya, di ko yun pinalagpas at sinumbong ko agad sa asawa ng ate ko na tumatayo namang gabay ko sa mga panahong iyon. Sa sumunod na araw ay sumama sakin sa paaralan ang asawa ng ate ko upang ireklamo ang ginawa nitong pambubully sakin. Dahil don ay napatawan ng parusa ang kamag-aral ko at humingi ng paumanhin sakin.
Diko pa natatapos ang pag-aaral ko noon sa grade 4 ay kinakailangan ko uling bumalik sa tahanan ng aking mga magulang. Nagkaroon pala ng di pagkaka-unawaan ang kuya ko at at asawa nito kaya iniwan muna nito pasamantala ang kanilang anak sa bahay. Sa murang edad ay naranasan ko ng mapuyat para lang patulogin dalawang taong gulang kong pamangkin. Hindi kasi ito natutulog sa tabi ng aking ina at mas nais na ako ang katabi. Hanggang tumuntong ako ng grade 5 ay nasa poder namin ang pamangkin ko at paminsan-minsan nalang dalawin ng nanay nito upang dalhan ng gatas at iba pang kailangan nito.
Nasa ika-limang baitang ako noon ng magkaroon ng malubhang sakit ang nanay ko na ikinasawi nito. Nang panahon na yun nagmistulang tumigil ang kabataan ko. Naging rebelde akong anak at nagsimulang gawin ang mga bagay na diko akalaing magagawa ko. Napabayaan ko ang aking pag-aaral ngunit nagawa ko namang matapos ang elementarya sa tulong ng aking guro noon sa panibagong paaralan naman sa lugar ng nakaka-tanda kong kapatid na babae.
Ang hirap masabing masaya ang kabataan ko ngunit alam ko sa sarili ko na marami akong napulot na aral mula sa mga karanasan na ito.
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest
1st Runner-Up
Yashiro Nene
Pamagat: "Masaya Ngunit Kulang"
Ako ay isang bata na lumaki sa pangangala ng aking mga lola at masasabi ko na ang aking kabataan ay masaya ngunit kulang. Ang aking mga magulang ay parehong nagtratrabaho kung kaya't hindi ko sila madalas nakikita. Lumaki ako sa pangangalaga ng aking lolo at lola, sila ang nakasama ko sa maraming bagay tulad ng pagpasok sa eskwelahan, pagbabasa, pagsusulat at iba pa. Ang aking lolo ay lagi akong inuuwian ng laruan at pagkain, ang aking lola naman ay ang syang nag-aalaga sa akin sya ang nagtuturo sakin na magbasa at magsulat. Silang dalwa ang naging magulang ko, hindi na bago sa magulang ko na marinig na mas gusto ko ang aking lolo't lola kesa sa kanila na aking magulang.
Lumaki ako na hindi nagkukulang sa laruan, pagkain at pangangailan ngunit lumaki akong kulang sa pagmamahal ng magulang. Ang aking magulang ay nagtratrabaho para sa akin, alam ko iyon ngunit andaming pagkakataon ang hindi ko mapigilang makaramdam ng pangungulila sa isang linggo maaaring isang beses ko lamang makita ang nanay o tatay ko, maaaring hindi ko rin sila makita. Pilitin ko man ang sarili ko na intindihin ang rason kung bakit hindi ko madalas nakikita ang aking magulang bilang isang bata na napapaligiran ng ibang bata na laging kasama ang magulang nila hindi ko mapigilang malungkot. Nagbago man ang lahat ng tumapak ako sa elementarya ang aking loob ay unti-unti nang lumayo sa kanila.
Pagtapak ko ng elementarya ang aking ina ay nagdesisyon na lisanin ang kanyang trabaho upang alagaan ako dito na nagsimula ang walang sawang pag-aaral ko. Ang mga bakasyon ko ay napuno ng "summer classes" at tuwing may pasok ay matatagpuan ako sa isang "tutoring lesson" sa awasan. Isa ito sa mga ayaw kong nagyari sa kabataan ko, di ko man maitatanggi na malaki ang naging tulong ng mga "summer classes" at "tutoring lesson" kinuha naman nito ang kasiyahan ko sa kabataan. Habang ang mga pinsan ko ay naglalaro sa labas tuwing bakasyon ako ay pumapasok para matuto, hinahasa ang utak ko sa mas mataas na antas na pag-aaral.
Masaya man ang ilang bahagi ng pagpasok ko sa bakasyon hidni parin nawawala ang inggit sakin dahil hindi kagaya ng ibang bata na naglalaro lamang sa labas ako ay patuloy paring nag-aaral sa pag tagal ng panahon unti-unti akong nawlaan ng gana mag-aral. Buong kabataan ko ay umiikot sa pag-aaral, tuwing nasa bahay lamang ako ay di ako makakatakas sa aking ama na ang gusto ay palagi akong nag-aaral. Isa ito sa mga kinalakhan ko, nasa bahay ka lang? Humawak ka ng libro at mag-aral. Sinunod ko lamang ang gusto nila dahil nahihirapan lang ako kapag nakakakuha ako ng mababang marka sa mga pagsusulit, madami akong luhang hindi pinakawalan dahil dito, madami rin akong mga saloobin na hindi sinabi. Isa na doon ang pagiging biktima ko sa "bullying", ang kadalasang kinakamusta ng magulang ko ay ang aking marka. Isang himala na kapag kinamusta nila ako at kung ano ang nangyayari sakin sa buong araw ko sa eskwelahan, dahil dito natuto akong magkimkim ng mga problema at hinaing. Ang kabataan ko ay masaya ngunit kulang dahil ngayong natanda na ako ubos na ubos na ako.
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest
2nd Runner-Up
Aiko Tanaka
Pamagat: "PARITO SA DAAN NG PAGLAGO: 𝘈𝘏. 𝘌𝘏? 𝘖𝘏!"
Ah. Hindi yaong mga gatas sa labi ang pangantiyaw ng patio sa aming mga paslit noon. Hindi rin iyong pagkukulay putik ng inaning alikabok sa leeg tuwing darating ang dapithapon. Hindi ang mga nagngingitngit na inay ang tugtugin sa plaka, o maging ang kahalili ng mga tandang sa pagsapit ng umaga. Tahimik lamang doon sa aming eskinita. Banayad ang kumustahan, maikli ang tanguan. Malamya ang pang-uri na gagamitin ko sa artilulo ng diyaryo kung ako’y isang manunulat na mapapadako rito. Mangano ba namang selyado ang mga pinto, pinid ang mga bintana, at hindi liwanag ng ilaw sa kalye ang bubungad sa gabi, sa halip ay dayalogo ng pamilyang nagkakapaan ng timpla sa harap ng hapag. Iyon bang litanyang hindi isunulat sa uring nagpapahayag ng sinseridad at matitimyas na tayutay. Blangko, deretso, at wala sa loob na “Kumusta ang araw mo?” Kung sabagay, hindi naman na ito bago. Ilan ba sa higit dalawampu’t anim na milyong pamilyang Pilipino ang dalisay ang pagsasamahan? Ilan ba sa bilang na iyan ang maituturing na pinagbubuklod ng amor at cariño? Sa tantiya ko’y wala pa sa mismong bisagra ng ugoy ang matatantusan kung bibilangin mo ito.
Eh? Hindi naman salat sa haplos ng pag-aalala ang kinalakhan kong pamilya. Hindi rin naman ito maramot sa atensyon at ng hinahanap n’yong pan-teleseryeng suporta. Masaya naman ako… noon. Sapat naman ang dulot nito sa siklo ng kabataan ko… noon. Noon nga siguro. Ngayon kasi’y naliliitan na ako sa kung anong kayang igawad ng mundo. Mas naintindihan ko lamang ang pagkakaiba ng kasapatan at kagiitan. Tumalim ang hugis ng mga imahe sa paligid ko. Nakita ko nang malinaw kung paanong palalo ang mga taong naniniwalang awtentisidad ang kapara ng kasiyahan. Nakakalungkot, nakakadismaya, nakakapagpabagabag; ilan ito sa mga bagong damdamin na ipinakilala sa akin ng hubad na komunidad. Kasabay ng paglipat ng kalendaryo, unti-unting lumalim ang pang-unawa ko sa baritonong sigaw na “Hali na kayo! Aalis na tayo!” Maging ang mga pasaring na dapat sana’y iniaakma sa gulang at estado ng yaong mga binhi pa lamang at nalilisya. Wala eh, bata pa raw ako. Papasok lamang sa kaliwang tainga, lalabas din agad sa kabila.
Oh! Mag-iisang taon na nga rin pala mula nang ginanyakan ako ng legalidad. Sa wari ko’y iyon din ang mitsa ng kawalan ko ng gana na maging kaisa sa matayog na kahulugan ng “tama” at “moral” ni satirikong Lipunan. Ayaw nila ng iregularidad. Mas komplikado kasi ito’t maraming sanga’t ugat. Para sa tulad kong kinukulayan ng agham panlipunan ang sigla’t kuryosidad, higit itong matingkad at nakagaganyak. Tugma! Akalain mo iyon? Bukod sa maliksing lundag ng kamuwangan ko tungo sa kaliwanagan, mas may uuri pa pala sa salawikaing, “Ang lumalakad nang mabagal, kung matinik ay mababaw,” hindi sa anyo ng paglago ngunit sa pagkakahugis ng kawaisan ko’t prinsipyo. Kaakibat naman nito ang dagok sa pananaw ng iba na ang siyang paglakad ko nang matulin, ay siya mismong tuminik sa akin nang daglian at malalim. Saan pa nga ba hahanguin kung hindi sa walang katapusang “Nature vs. Nurture”, maging sa magkabalikat na kaisipang Chomsky at Skinner. Sa antas ng kalaputan at kabugsukan ng perspektibo ko sa buhay ngayon, mailalarawan ko na lamang ang kabataan ko bilang isang konsentradong semento. Kahulma-hulma’t tila ubod na sabik sa magbibigay ng kahit anong hibla ng karungungan ngunit kalauna’y tumigas at natutong tumindig sa hinalapok na mundo at hinubarang katotohanan. Saan nga ba kasi iyong dako ng paglago? Ah. Eh? Oh! Iyon na nga pala mismo.
*****
Top 6
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 4
Secre Swallowtail
Pamagat: "Luha ng Batang ako"
Ipikit ang inyong mga mata at tanongin ang inyong mga sarili, malaki ba ang naging epekto ng kabataan sa pagkatao mo ngayon? Ang kabataan ay syang nagsisilbing panimula natin patungo sa buhay na nakalaan sa atin. Dito tayo nagsimulang matutong magsulat, magbasa, gumuhit, makipagkaibigan, maglaro at magtiwala. Ngunit Tila ba’y may galit ang mundo at ipinagkait ang pagiging patas sakin. Kabataan, inaangking pinakamasayang parte ng buhay ng isang tao, maaaring totoo ito sa karamihan ngunit hindi para sa lahat. Mga batang walang kamuang-muang na balang araw ay haharapin ang mundong kay sakit.
Naaalala ko pa ang mga panahong tanging ngiti lamang ng aking mga magulang ang ninanais kong makita, mga payo’y aking sinasapuso, mga utos aking sinusunod. Ako’y anim na taong gulang nang sabihan nila akong makipagkaibigan at bilang masunurin na bata ay ginawa ko ito, nagsimula akong makipaglaro sa mga kapitbahay naming bata, maghapong nagtatawanan, naghahabulan, at naglalaro. Hindi ito nagtagal sapagkat di nagustohan ng aking ina ang aking mga kalaro, simula nun ay hindi nya na akong pinayagan maglaro sa labas. Anim na taong gulang bata, malamang ay nanaising magkaroon ng laruan, habang kami’y nasa labas ay nagtuturo ng mga laruan ang aking kapatid, agad naman ito kinukuha ng aking ina para bilhin ngunit nung ako na ang magpapakita ng laruan, sinalubong lamang ako ng mga salitang “Kung makakakuha ka ng Perpektong marka sa mga pagsusulit mo ay bibilhan kita ng laruan” at tumango na lamang ako kahit na nalulungkot ako, iniintindi ko na lang.
Pitong taong gulang, saksi ako sa paunti-unting paglaho ng ngiti ng aking ina nang iwan kami ng aming itay, kasunod ang paghulog ng aking ina sa depresyon. Ang aking ina na gumigising ng alas-onse ng umaga para magluto at kumain at sunod na lalabas ng kwarto ng alas-otso ng gabi para magluto at kumain. Dito ko napagtanto na kailangan ko nang tumayo at punan ang pwesto ng aking itay, ako na ang naglalaba, namamalengke at nagluluto para sa aking pamilya. Natuto akong maging responsable, natuto akong unahin ang lahat ng tao maliban na lang sa sarili ko. Isang batang pinalaki na hindi pinapayagang magkamali, hindi pinapakinggan, hindi pinapahalagahan at hindi marunong tumanggi sa mga tao.
Siyam na taong gulang, kagaya ng ibang magkakapatid nagkaroon kami ng maliit na away na humantong sa pag-iyak ng aking kapatid, sinubukan kong sabihin ang nangyari sa aking ina ngunit hindi nya ako pinakinggan at binuhos sakin lahat ng kasalanan dahil ako ang nakakatanda. Ang batang ako na lumuluha na dahil sa mga sinabi nya ay lubha pang nasaktan sa susunod nyang ginawa, tila ba’y di pa sapat sa kanya ang mga luha ko at nagpakawala pa sya ng masasakit na salita “Sa totoo lang, mas pinapahalagahan ko pa ang kapatid mo kesa sayo”. Kasabay ng pagsara nya ng pinto ang pagbuhos ng aking mga luha “Di pa ba sapat lahat ng ginagawa ko?” huli kong sinabi bago tuluyang nakatulog.
Labing dalawang taong gulang, sa puntong ito sinubukan ko ulit makuha ang atensyon ng aking ina, sinubukan ko syang yakapin ngunit tinulak nya lamang ako palayo, pinag-igihan ko ang aking pag-aaral at nakuha ang ikalawang ranko ngunit imbes na matuwa ay nagalit pa sya sakin sapagkat hindi ko nakuha ang ika unang ranko. Simula elementarya ay hindi sya pumupunta sa araw ng aking pagpaparangal, ngunit ngayon na nakuha ko ang ikalawang ranko ay umasa akong dadalo sya ngunit binigo nya ako. Sa taong ding yon ay nagustohan ko ang pagguguhit, nakakita ako ng isang kaklase na ginagawa yun sa eskwelahan, agad akong natuto gumuhit at dito nagsimula akong maging masaya, kahit papaano ay tila’y nawawala ang mga problema ko sa tuwing gumuguhit ako. Hanggang sa dumating ang araw na nakita ng aking ina ang mga guhit ko, takot ang una kong naramdaman at tama nga dahil sinabihan nya akong tigilan ito dahil wala naman itong kwenta. Sa takot na sirain or itapon ito ng aking ina ay sinimulan ko itong itago o isama sakin sa tuwing ako’y nag-aaral. Takot, ito ang naging bunga ng kabataan ko sakin, minsan ay nakakainggit kung paano magkwento ng kabataan ang ibang tao, ang makarinig kung gaano kasaya ang naging mga karanasan nila, samantalang ako’y isang ibon na nakatali ang mga pakpak.
Ang kabataan ng bawat bata ay di laging positibo, hindi ito laging masaya, may mga pagkakataon na ito’y malungkot o nakakatakot. Nakadepende pa rin sa magulang kung hahayaan nilang maging bata ang isang bata, mahirap at nakakatakot ang mundo kaya’t napabata pa lamang ay sinasanay na ang mga bata na kayanin ang sarili nila ngunit wag kalimutan na bata lamang sila. Mahirap ayusin ang isang indibidwal na naghihirap pa rin bunga ng kanyang nakaraan. Kabataan o kay sarap isipin, mga bagay na nais naging gawin noon ngunit di na kaya ngayon. Batang ako, wag ka nang lumuha ako’y gagawa ng paraan para pangitiin ka muli.
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 5
Sung Jinwoo
Pamagat: "Ang payo't ala-ala sa probinsya"
Bilang isang taong ipinanganak sa probinsya at nakaranas na ng kaginhawaan at paghihirap na nadatnan sa pagiging isang bata, ito rin ay siyang nagdulot ng aking pag-apak sa tamang edad. Ang kabataan ay naglalayon itong gabay para iyong maranasan ang panahong hindi na ito kayang balikan.
Isa sa aking mga ala-alang hindi makalimutan ay ang pagiging lakwatsero, yung tipong kahit saan ay kayang lakarin basta't kasama ang iyong mga kaibigan. “Ano plano, mangunguha ba tayo ng Star Apple?” iyan ang madalas kong naririnig sakanila, hanggang sa mapunta na sa malayong lugar kung saan walang bahay at tao maliban na lang sa mga puno't damo sa paligid. Gayunpaman, ang plano ng isang bata ay ganun din, ang ipagpatuloy ang nasimulang plano. Sa kalagitnaan ng pangunguha ng prutas, ang kadalasang kalaban namin ay isang ‘Tambak’ isang kagat ay para bang tinusok ka na ng karayom, ito yung tipong kapag nakita na ng isa mong kaibigan ay agad naman itong bababa nang walang sabi hanggang sa nauna na siyang bumaba. Kung ang pagpunta sa malayo ay masaya, mayroon din itong kahihinatnan, kung saan ang sermon ay laging baon ng iyong magulang sa oras na ikaw ay makarating, “Saan ka na naman galing, Kabilin-bilinan ko na sa iyo na huwag sumama sa mga batang iyon, ang tigas talaga ng ulo mo! ” ang ang payo ng inay ay malakas, ang ulo naman ng bata ay matigas, kaya't hindi ko ito sinunod at nagpatuloy itong gawin sa tuwing may nagsabi ng pupuntahan.
Maliban sa pagiging isang lakwatsero, ang isa sa nagpatuloy na dumaloy sa aking isipan ay ang paglalaro ng tagu-taguan tuwing alas kuwatro ng Hapon hanggang sa umabot ng alas syete ng gabi. Ang iba't-ibang uri ng tagu-taguan ay aming naranasan, kung mayroong larong tagu-taguan na isa lang ang naghahanap at hindi rin kalayuan, mayroon ding isang uri kung saan may kasama kang nagtatago at dalawa rin ang maghahanap. Tuwing pagsapit ng gabi, iyong madadatnan ang isang tsinelas o walis tingting na hawak-hawak ng iyong inay. “Hindi ba't sabi ko sa iyo na umuwi ka sa tamang oras? Kumain ka na doon! ” Ang isang magulang ay minahal ang kanilang anak ng lubos, kahit sinuway mo ang kanilang payo, hindi pa rin nila kayang tiisin ang isang gutom na anak.
Kung mayroong araw na mainit ang panahon, mayroon ding panahong bumubuhos ang ulan at patuloy sa paglalaro. Ang isa sa aking ala-alang maulan ay ang pagpunta sa daluyan ng tubig kung saan dito dumadaan ang mga tao papuntang ilog. “Tara gawa ng dulasan” ito ang isa sa madalas naming gawin sa daan para gawin itong dulasan. Dahil putik ang aming dulasan, hindi nawawala ang maruruming damit, lalo na't ito rin ang iyong nagiging pananggalang sa dulasan. Sa tuwing pagsapit ng araw, dali-daling pumupunta sa ilog para maligo at tanggalin ang dumi sa damit, subalit ang dumi sa damit ay naging mansa ito hanggang sa pag-uwi mo ay dala-dala ito. “Ayan, marumi na naman mga damit mo, maligo ka doon, oh ayan sabon” yung tipong nais ka nang kurutin subalit mahal ka pa rin at inuuna ang iyong kapakanan.
Gayunpaman, itong mga payo't ala-alang nagpatuloy sa pagdaloy sa aking isipin ay ang mga bagay na mahirap kalimutan. Ang pagiging lakwatsero ay parating may kasamang sermon at payo, ang tagu-taguan naman ay may kaunting takot at saya, at higit sa lahat, ang maulang ala-ala ay hindi mawawala sa isang ala-ala ng kabataan. Kung ito ay kayang maranasan muli, magiging masaya ba ang aking puso't damdamin?
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 6
Ruby Hoshino
Pamagat: "Ang Munting Alaala"
Ito ang alaala na ating matatandaan sa ating pagkabata, ang aking kabataan ay simple lang ngunit may mahahalagang araw na iyong hindi makakalimutan. Simula ng ako'y nag kaibigan saamin lugar hinding hindi nawawala ang larong tago-taguan, bahay-bahayan,luto lutuan, tumbang preso,tinde-tindera at marami pang iba. Aking natandaan nung ako'y bata pa ay lagi akong tumatakas pag ako ang taya, parati kong sinasabi na "iinom lang akong tubig o tinatawag nako ni mama" yan ang karaniwang pampalusot natin pag tayo ang taya. May pagkakataon din na ikaw ay umalis lang saglit di kana kaagad kasama sa laro o di kana nila isasali dahil lang dito.
Pag kami ay titindetindera ay di mawawala ang perang dahon , hindi ka pwedeng bumili kung wala ito, pag maliit ang iyong dahon ito'y limang piso hanggang bente pesos lamang ngunit kung ito ay malaki umaabot ito hanggang isang libo. May pagkakataon na mapapagalitan kami ng may ari ng halaman dahil kinakalbo o inuubos nanamin ang bulaklak at dahon nito. Ang pinakabinebenta namin sa tinderahan ay ang laruan ng prutas at pinaghalong halaman na kunwari ay pagkain.
Sa aking pagkabata hinding hindi ko makakalimutan, ang mga araw na kukuha ako ng carton at mag e eslide sa isang slide malapit sa aming bahay kasama ang mga kalaro ko, may pagkakataon na ako'y nadidisgrasya kaya minsan may gasgas ang aking tuhod o braso.
Pag ako'y nasa paaralan parati namin nilalaro ng aking kaklase ay ang habol-habulan, minsan akong nadidisgrasya o nadadapa kaya pag ako'y nasusugatan ito'y tinatago ko sa aking inay dahil ayukong mapagalitan.
May araw din ako'y nangunguha ng ballpen o lapis sa aking mga kaklase nung elementarya dahil minsan ito'y nakawara-wara sa lamesa o sa lapag. Meron ding isang munting alaala sa akong guro na hinding hindi ko makakalimutan ay ang ay ang pakikipag usap sa aking kaklase sa papel, ako man ay napagalitan ngunit di man niya nabasa ang aking sinulat dahil ito ay ang pwesto nila ang halo halo o magulo , oh diba kaswerte nga naman diba, okay lang mapagalitan huwag lang mabasa ang aking sinulat.
Pero ang mas paborito ko nung bata ako ay ang pagtakas sa aking ina na may dalang pamalo dahil may nasira akong bagay sa aming bahay, ang malas ko nung nahuli ako ni mama dahil Pinggot at palo ang aking nakuha, kala ko mapipigilan ko yung pamalo gamit yung aking kamay ngunit hindi ko pala kayang pigilan.
At siempre din di mawawala sa lahat ang paglalaro ng goma, pogs, at jolens ito ang karaniwan naming nilalaro nung bata pa kami , e fleflex pa namin kung gaano karami ang meron kami niyan at may pagkakataon din na kinukuha ng aming guro dahil nahuhuli kaming nag lalaro nito, oh diba kay sayang din ang aming pera sa pag bili niyan.
At maraming salamat sa pagbabasa ng aking munting alaala na aking hinding hindi ko makakalimutan sana ikaw ay aking napasaya sa aking salaysay na aking ginawa sana ay napatawa kita o napa ngiti sa aking ginawa maraming maraming salamat dahil hanggang ngayon ito'y iyong binabasa padin hanggang sa huli salamat.
Top 10
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 10
Vinsmoke Sanji
Pamagat: "Tambayan ng Batang Ako"
Habang binabaybay ko ang kahabaan ng pangunahing kalsada pauwi, napagdesisyunan kong bumaba sa sinasakyan kong jeep. Pano'y traffic din naman. Isa pa, parang sinadya rin ng traffic na sumumpong kung kailan ang jeep na sinasakyan ko ay nasa tapat ng daanan papasok sa dati naming bahay sa hindi gaanong mataong baryo. Sakto rin na walang pasok bukas; may oras akong magpalipas at magmuni-muni. Isang dako sa baryong ito ang pinakapinaglaanan ko ng oras higit pa sa dati naming bahay kung kaya't sa halip na tumungo sa dati naming bahay ay dali-dali kong binisita ang lugar na 'yon, dala ng kuryusidad. Ang abandonadong bahay na walang bubong sa tabi ng bakanteng lote—ang dati naming tambayan. Namin? Oo, namin. Ako man ay nagulat sa alaala ng pagiging aktibo, maraming kaibigan, at bibo kong pagkatao noong bata pa ako.
Kung ano ang itsura ng abandonadong bahay sa aking alaala, ganoon pa rin ito ngayon—maliban sa lumot na kumapit sa mga pader. Napanatag ang aking inner child, at lubos na nakagaan ng loob ang malamang nariyan pa rin ang tahanan ng batang ako. Walang tao sa paligid, may laya akong magliwaliw. Naisip ko tuloy, para sa akin talaga ang araw na ito, kaya nilubos ko na.
Iginala ko ang aking mata. Sa pader ng abandonadong bahay ay bubungad ang mga tinta ng guhit-guhit na tila tantos. Bawat guhit ay may katabing pangalan at numerong naglalaro lamang sa bilang na 6 hanggang 10. Nakita ko ang aking pangalan. Ganito pala ako katangkad noong anim na taong gulang pa lamang ako? Napahagikhik ako, na mabilis na naging tawa nang makita ko ang tala ng bespren kong mas matanda sakin ng isang taon, pero hindi makahabol sa tangkad ko. Kaniyang ideya pa naman ang pagtatala ng tangkad! May iba pang mga pangalan, mga natatandaan ko pa at mga hindi ko na maalala. Ang alam ko lang, bawat isa sa kanila ay minsan ko nang nakasalo sa pag-inom ng softdrinks at pag-ubos ng sitsirya.
Nandito pa rin ang puno ng alatiris na tumubo sa loob ng abandonadong bahay. Naalala ko pa kung paano namin binabato ng bola ang mga bunga nito kapag hirap kaming sungkitin. Sayang lang at wala na ang duyang pinag-aagawan namin, na tinali pa ng tatay ng kaibigan kong only child. Wala na rin ang mga bangkitong kahoy na gamit na gamit namin sa larong titser-titseran at “Floor is Lava.”
Bawat sulok ng abandonadong bahay ay may alaala. Maging ang lapag nito, na napatag na lang dulot ng kakalaro namin ng larong lastik, larong sahig, at walang-sawang pagtalon-talon. Sa tuwing umuulan at malambot ang lupa, kanya-kanya kami nang labas ng nakolektang mga text, pogs at jolen. Noo’y sikat ka na kung may isang dangkal na text, isang supot na pogs, at isang garapon na jolen ka.
Sa mismong bahay rin na iyon namin pinlano ang pagkakasunod-sunod namin sa paghingi ng pagkain sa tuwing may handaan lalo na sa mga bertdeyan na hindi naman kami imbitado. At sa tuwing ako na ang nakatoka, nagsasakit-sakitan nalang ako na siyang ikinagalit ng mga kababata ko. Alam kong huli na ngunit ngayon lamang ako tinablan ng konsensya.
Parang kailan lang, binibilangan pa namin ang araw bago ang bakasyon. Ngayon, ang mga pader ng abandonadong bahay na walang bubong ay masyado nang mababa para itala pa ang aming kasalukuyang tangkad. Masyado na ring mabigat ang aming yabag upang paulit-ulit na tumalon nang sabay-sabay. Hindi na rin ako muli pang naging taya sa paghingi ng handa sa bertdeyan. Pare-pareho na kaming nasa hustong edad ng mga kababata ko, at lumipat na sila sa iba't ibang baryo. Napakalabo mang mangyari, umasa akong makakatagpo ng kahit isang kababata sa pagpunta ko rito. Nabigo man ay ganon talaga. Lalo pa't may sari-sarili na rin kaming buhay.
Hindi ako nalungkot dahil alam kong tulad ko, abala rin sila sa pangangapa sa sistema ng buhay. Habang papaalis, sakto namang uwian na ng mga bata sa elementarya. May natanaw akong grupo ng mga batang patungo sa abandonadong bahay. Isa sa kanila ay may bitbit na sisiw na may kulay. Sa ingat nila sa sisiw, mababatid mong pinag-ambag-ambagan nila ang pagbili at pagpapakain dito—bagay na ginawa rin namin dati, bagay na ikinakumpleto ng araw ko. May gumagamit pa pala sa abandonadong bahay. Maigi iyon, para hindi siya naiiwang mag-isa. Dapat lang, at sinanay namin siyang palaging may kasama.
Laking pasasalamat ko na ito ang alaala ng aking pagkabata—pagkabatang binuo ng mababait na kaibigang nakasama kong magsaya sa iisang tambayan. Tambayang hindi naman palaruan, ngunit binalot ng tuwa ang aming pagsasama at purong ligaya ang pabaon. Pabaong wala kaming binayaran, ngunit nakapagdala ng napakahalagang hilera ng mga alaala ng kulitan.
Napatanong tuloy ako sa sarili ko, bakit ngayon lang ulit ako bumisita sa abandonadong bahay? Sa hinaharap, dadalasan ko na ang pagdalaw. Sana, sa susunod, may bunga na ulit ang puno ng alatiris.
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 10
Chuuya Nakahara
Pamagat: "Ang Yaman Na Walang Katumbas"
Naalala mo ba yung mga araw na wala ka pang iniintindi, puro laro at saya lang? Eto yung kwento ng kabataan ko, isang masayang panahon na puno ng pagmamahal, paglalaro, at mga simpleng kaligayahan.
“Tara, maglaro na tayo!” sigaw ng mga kaibigan ko habang mabilis kong tinatapos yung takdang-aralin ko. Alas-tres na ng hapon at oras na para maglaro ng tumbang preso. Eto yung paborito naming laro sa kalsada. Nakahanda na yung lata, at isa-isa na kaming nagtipon sa harap ng sari-sari store namin.
Yung sari-sari store namin, maliit lang pero dito halos lahat ng tao pumupunta para bumili o makipagkuwentuhan. Araw-araw, pagkatapos ng klase, tinutulungan ko si Lolo sa pagbabantay. Ako yung nag-aabot ng suka, toyo, at mga kendi sa mga batang bumibili. Minsan, abala ako sa pagbilang ng barya at pag-aayos ng mga paninda sa istante. Si Lolo, kahit tahimik, ramdam ko yung tuwa niya sa pagtulong ko sa kanya.
Si Lola naman, laging nasa tabi, nagkukuwento habang nag-aayos ng mga yelo para sa inumin. “Alam mo, noong bata pa ako...” laging simula niya. Mahal na mahal ko si Lola. Siya yung nagturo sa akin kung paano maging masinop at magalang. Habang nag-aayos siya, si Lolo naman, tahimik na nagbabasa ng diyaryo. Hindi siya madalas magsalita, pero lagi siyang nariyan para gabayan kami.
Si Mommy, madalas abala sa eskwelahan dahil isa siyang guro. Pag-uwi niya, halos hindi na siya makausap dahil pagod na pagod. Dumidiretso siya sa sala, manonood ng TV saglit, at matutulog na. Pero kahit pagod siya, kapag nagising na siya, tinutulungan niya ako sa mga assignment ko. Pagkatapos nun, mag-uusap kami ng konti bago siya ulit matulog.
Tuwing Linggo, parang fiesta sa bahay namin. Dumadating yung mga pinsan ko galing iba’t ibang lugar. Ang saya ng kwentuhan namin, lalo na kapag kumpleto. Si Lola at Lolo, laging may inihandang masarap na meryenda para sa amin. Ang bahay namin, puno ng tawanan at buhay tuwing Linggo.
Minsan, nami-miss ko si Daddy. Nagtatrabaho siya sa ibang bansa para sa kinabukasan namin. Lagi niyang sinasabi sa mga sulat, “Anak, mag-aral kang mabuti at maging mabait ka sa mga kapatid at pinsan mo. Lagi kang makinig kay Mommy.” Kahit bihira ko siyang makita, ramdam ko yung pagmamahal niya sa bawat tawag niya sa telepono.
Alam mo, napakasarap balikan yung mga araw na yun. Habang tumatanda ako, unti-unting nagbabago yung mga bagay-bagay. Yung mga kaibigan ko, nagkaroon na ng kanya-kanyang buhay. Yung sari-sari store namin, unti-unti na rin nawala dahil sa mga malalaking tindahan sa paligid. Pero yung mga alaala, nananatili pa rin sa puso ko. Yung mga tawanan, kwento ni Lola, mga payo ni Lolo, pagmamahal ni Mommy, at sakripisyo ni Daddy—lahat yun, parte ng kabataan ko.
Ngayong matanda na ako, madalas kong balikan yung mga araw na yun. Minsan, iniisip ko na sana maibalik ko yung simpleng buhay namin noon. Pero alam ko na sa bawat hakbang na ginagawa ko ngayon, dala-dala ko yung mga aral at pagmamahal na binigay sakin ng pamilya ko. Ang kabataan ko, hindi lang basta alaala, kundi gabay na nagsisilbing ilaw sa buhay ko.
“Anak, tandaan mo,” madalas sabi ni Lola, “yung mga alaala ng kabataan mo, magiging parte ng kung sino ka balang araw.” Ngayon, naiintindihan ko na yung ibig niyang sabihin. Ang kabataan ko, puno ng pagmamahal, saya, at mga simpleng kaligayahan. Sa bawat paglingon ko sa nakaraan, natutunan kong yakapin ang kasalukuyan at paghandaan ang hinaharap na may ngiti sa labi.
“Salamat, Lola, Lolo, Mommy, Daddy, at sa mga kaibigan at pinsan ko,” bulong ko sa sarili ko. Yung mga alaala ng kabataan ko, mananatiling buhay at makulay, isang yaman na walang katumbas.
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 10
Yogiri Takatou
Pamagat: "Ala-alang Di Malilimutan"
Kung pagpipilian nyo ako kung saang panahon ko gustong balikan, yun yung panahon kung kailan hindi pa uso yung pagseselpon. Yung tipong gigising sa umaga pagkatapos mag-almusal ay lalabas ng bahay upang puntahan sa kapitbahay ng mga kalaro ko noon.
Isa sa mga una kong nalaro noong bata pa ako ay yung garter mismo na pang babae. Lalake ako ngunit bakit garter na pambabae nilalaro ko? Noon kasi ang mga kalaro ko noon ay mga babae lamang. Hindi ko alam kung bakit wala pang lalaki na lumalabas ng bahay ngunit baka dahil nauuso na rin yung bisikleta na pambata kaya gugustuhin nalang nila na gamitin iyon kumpara sa makipaglaro sa amin.
Isa sa hindi ko makakalimutan noong nasa mababang baitang palang ako ay ang unang babae na hinangaan ko. Ika-lima o anim ako nagsimulang nagkaroon ng paghanga sa kanya dahil bukod sa maganda sya ay isa sya sa magaling sumayaw sa aming silid-aralan.
Madalas kinakantyawan ako ng mga kaklase ko noon nang magsimula yung hindi pagkakaintindihan nila tungkol sa akin at sa babaeng hinahangaan ko na si Patricia. Sya lang ang unang babae na nabigyan ko ng bulaklak na gumamela hindi dahil may pagtingin ako sa kanya kundi dahil nangako ako sa kanya na bibigyan ko sya ng bulaklak kaya may sobra akong gumamela para sa asignatura na gagamitin namin mamaya.
Puno ng kilig sa loob ng silid-aralan at napangiti naman sya sakin nang bigyan ko ito ng bulaklak. Doon nagsimula ang lahat hanggang sa tumungtong na ako ng ika-anim na baitang. Hindi ko makakalituan yung taon na yan dahil dyan ko naramdaman yung unang halik nya sa aking pisngi mula kay Patricia noong huling araw bago ako mag highschool.
Pagkatapos mangyari sa akin yon napangiti ako ngunit hindi pahalata at tumakbo ng koridor. Oo tumakbo ako dahil nahihiya ako sa ginawa nya sakin noon. Hiyang-hiya din ako sa nangyari dahil may nakakita sa amin. Nakanganga sya sa amin habang hawak nya yung dalawang cupcake. Talagang hinding-hindi ko makakalimutan yung pangyayari na iyon.
Sumunod ng mga araw nung nagusap kami muli on chat sa Facebook. Hindi pa uso noon ang Messenger sa panahon ko. Nagkamustahan at tinanong ko muli sa kanya kung bakit nya ako hinalikan sa pisngi. Sumagot naman sya sakin na “Goodbye kiss ko lang yon” na nauunawaan ko naman agad. Nagpatay malisya nalang muna ako pagkatapos ko mabasa iyon.
Ilang minuto na rin matapos namn pagusapan iyon, may sinabi naman ito sa akin na nagpabago ng pagdama ko sa kanya. “Hindi kita crush” ang nasabi nya sakin sa chat na iyon. Nung una wala lang yon sakin dahil bata pa siguro ako noon. Para sa akin wala lang yon ngunit nang tumagal na hanggang ngayon sa panahon ko ay nakakalungkot isipin at bigat sa dibdib ko na maalala ko yon. Iniisip ko nalang sya ngayon na kung kamusta na sya o naalala nya pa rin ba ako?
Rason kung bakit nya tinanggi yung paghanga ko sa kanya? Ang sabi nya sa akin ay lilipat sya ng ibang eskwelahan bago sya tumungtong ng highschool. Nauunawaan ko naman sya dahil din siguro sa eskwelahan namin na puro sinususpendido yung klase kada buwan.
Kahit hindi nya tinanggap yung paghanga ko sa kanya ay mananatiling espesyal na ala-ala para sakin yon. Nagpapasalamat pa ako sa kanya dahil yun pa mismo ang naging daan sa pag-udyok sakin bilang manunulat.
SHS na ako nagsimula maging manunulat. Una kong naisulat tungkol sa amin ng matalik kong kaibigan ngunit magulo at hindi maayos yung pagkakagawa ko kaya isinantabi ko muna ito sa ngayon. Pangalawang kwento yung tungkol sa taong hinangaan ko na si Patricia mula sa pamagat na “Pinagtapo at Muling Tinadhana” na sinamahan ko ng pantasya sa kwento na iyon.
Balik tayo muli sa pagkabata ko. Naalala ko ang isa sa masasayang araw ay noong pasko. Lahat ng mga kalaro ko ay nagtitipon sa labas ng bahay namin para antayin nila na bigyan ng aguinaldo mula sa magulang ko. Oo namimigay kami ng regalo noon sa mga bata na dadaan sa bahay namin noon. Hindi kami mayaman ngunit ito ay naka-ugalian namin ito. Tradisyon sa pamilya namin.
Bago magbagong taon din ay nagpupuntahan din yung ibang mga kalaro ko pati yung pinsan ko na isa sa malapit na kaibigan ko ay pinapanood mula sa kalangitan yung paputok na sa gabi. Nag iingay gamit yung torotot na de bomba sakin habang sa pinsan ko ay yung hinihipan. Ayaw ng Papa ko na bilhan ako ng torotot na hinihipan dahil sasakit daw sa lalamunan ko.
Pagkatapos naman ng bagong taon ay pumupunta naman yung pinsan ko sa amin para makipaglaro sa akin. Naalala ko yung eroplano na laruan na binili ng Papa ko galing Japan yung sinasabit sa may gitnang kisame na may tali. Pinaandar nya yung laruang eroplano na iyon at paikot-ikot ito na sinusundan din namin ito ng tingin. Hindi din namin namamalayan na kinukunan na pala ako ng video mula sa Papa ko.
Maraming ala-ala na naging masaya at mahalaga para sakin ngunit hindi lahat ng ala-ala na nararanasan ko ay masaya matapos akong tanggihan ng babaeng hinahanggan ko noon. Sa tingin ko yun ang dahilan kung bakit lumilihis ang daan ko sa pagiging ako noon. Maraming nagbago sakin ngunit hinahanap ko pa rin sa sarili ko yung kasagutan na magpapabago sa dating ako.
Maikling Sanaysay Essay Writing Contest Top 10
Kamado Tanjiro
Pamagat: "Gintong Kinalaman ng Kabataan"
Mga bata pa lang tayo, mga laruan at mga gusto natin agad-agad ang binibili. Kaso mahirap din yan tuparin ng mga magulang natin.. dahil butas ang bulsa. Sapagkat ako nung bata pa lang, pag-mamahal lang nang aking tunay na i-tay ang aking hinahanap. Lumaki nga akong masaya na may pamilya, madaming kaibigan at malaya, kumakain sa labas at kasama sila mama at di inaakalang tatay. Yun lang bigla bigla nag-tapos at nag-wakas ng parang bula lamang. Nag iba ang lahat pero walang magagawa sa mga bagay na ganto, pasalamat nalang kung sa anong meron tayo.
Pasubalit, kalayaan ulit at mga hindi makakalimutan na gawain sa araw-araw na biyaya ay naibigay. Sadyang hindi nakikinig sa aking mga magulang, na pag ako'y aalis sa bahay ng hindi nag papaalam. Tumatakas para maka punta lang sa kapit-bahay kong kaibigan para mag laro nang mga laruan nya, mag tagu-taguan, tayaan at bahay-bahayan.
Mas na alala ko na part, yung sinabihan ko yung kaibigan ng 'basagin mga itlog sa labas', at yun nga bata palang ako puro kalokohan na alam ko, napauwi ako nang maaga at na sermonan dahil sa kagagawan ko.
Kasiyahan ay di makakalimutan, lahat yan ay parte lang nang aking kabataan. Pinanganak na walang alam, pero habang lumalaking, ako'y natuto at nalalaman din kung anong nangyayari. Isa pang ka alaman, pag nakitang tapos na naligo ang aking magulang, tatanongin ko 'Ma/Pa saan ka pupunta?' Isang taka din ako, palaging sumasama dahil gustong gusto napapasyal sa ano anong lugar. Katapos kakain sa Jollibee, McDonald, KFC or ano pang restaurant yan sa mall. Basta kasiyahan matitira sa isang libre ni mama. Lalo na yung katapos kumain sa mall, pupuntang arcade para manalo ng teddy bear sa claw machine na galing kay papa, tapos maglalarong basketball na automatic at mga iba ibang rides na screen gaming. Pag boring din sa bahay, minsan dadalhin kami nila papa sa picnic area namin na malapit sa palengke. Bibili kaming pagkain katapos dun kami kakain, after nga kumain nag lalaro kaming gabon ng kapatid ko sa gilid. Parang ang saya talaga pag kumpleto, ngunit ngayon hiwalay na.
Sila Lola at lolo na nag aalaga samin, aking ita'y ay nakatira na sa mga kapatid nya, sya'y di na pinatira dito saamin ngunit sa isang sitwasyon na nangyari, nag ttrabaho sya ngunit na bigla sya na aksidente sa gitna ng daan, Isang tao lang nadamay dun ngunit di lang nag bigay ng tulong sa pag asikaso nang kailangin. Mama ko asa Dubai nag tratrabaho, na kami ngayon ay parang ibon na hindi na nakakalaya sa kulungan. Strikto ang aking Lola at Lola nawa'y wala akong magagawa, minamahal ko padin sila subalit sila ang nag palaki saaming mag kakapatid ng maayos at matulungin na tao. Ako padin ay lumalabas minsan nang patakas para mag laro ng tumbang preso, piko, chinese garter, mga tayaan at tagu-taguan kasama ang mga bata sa labas. Binabantayan ako dati ng aking magulang sa paaralan, na ngayon na ay ayaw ko nang pahatid at nahihiya na.
Isa din ang pag-puntang market or mall, yung pag may nakita akong gusto ko ih-pabibili agad kay mama. ' Ma gusto ko yun o! ', ' Ma, please? ', ' Ma mura lang toh, baka naman, kahit ngayon lang '. Na pag hindi binili ako'y magwawala, tapos sasabihin ' Bahala ka Jan, iiwan ka namin ' at oo wala akong magagawa kung hindi pabayaan nalang. Mga kabataan kong kagagawan na gustong balikan, pero bawal at dapat mag-move on na tayo. O ginong kabataan~ inaangkin lahat nang memorya. Sapagkat salamat sa iyo, na kahit papano na ako'y binabalikan mo parin. Hindi ka katulad ng iba na nang-iiwan at makakalimutan, na ako ay iyong babalikan para ma alala ang dating kalokohan.
MAIKLING SANAYSAY ESSAY WRITING CONTEST:
Theme: Ang aking kabataan (My Childhood)
Mechanics:
1. Lahat ng miyembro ng Shounen Gakuen ay maaaring sumali. (Isang beses sa bawat miyembro)
2. Ang sanaysay na gagawin ay dapat na may pamagat at nakabatay sa temang ibinigay.
3. Ang mga ipinasang sanaysay ay dapat mayroong 500-1000 na salita. Hindi kasama ang pamagat sa bilang.
4. Ang sanaysay ay dapat nakasulat sa wikang Filipino o Tagalog. Maaring gumamit ng English kung kinakailangan.
5. Ang kalahok ay dapat gumawa ng kanyang sariling gawa at hindi gumaya o mangopya sa gawa ng iba.
6. Maaring hindi tanggapin ang sanaysay kapag napatunayan na ito ay lumabag sa pamantayan.
7. Maaring magpasa ng iyong sanaysay sa comment section sa FB post ng patimpalak bago or sa araw ng Sabado, August 24, 2024, 11 PM, kasama ang sumusunod na detalye:
Name:
Division:
#SGSanaysay
Pamagat:
(Sanaysay)
MGA PAALALA: Ang pagpasa ng iyong gawa ng mas maaga ay maaaring makatulog sa pagkakaroon ng mas madaming reacton.
Once the entry is posted, the entry is not allowed to be edited or reuploaded in the FB group without the permission of the Higher Order.
Pamantayan sa Paghusga:
Creativity/Content - 40%
Writing Quality - 30%
Connection to Theme - 20%
Audience Impact - 10%